CITY GOVERNMENT, MAGBIBIGAY NG ₱6K QUARTERLY ALLOWANCE SA MGA GURO AT NON-TEACHING STAFF NG PUERTO PRINCESA SIMULA 2026

Ikinatuwa ng mga kinatawan ng mga pampublikong paaralan sa lungsod ng Puerto Princesa ang nakatakdang pagbibigay ng allowance ng Pamahalaang Panlungsod, sa pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron, sa mga guro at non-teaching staff.

Simula ngayong taon, magkakaroon ng ₱2,000 na buwanang allowance ang mga guro at non-teaching staff na nasa plantilla position. Ang allowance ay ibibigay kada quarter, na may kabuuang halagang ₱6,000 bawat release.

“Gusto naming matanggap niyo ‘yan (allowance) ng mabilisan, kasi ‘yan ay pagkilala sa serbisyo na ibinibigay ninyo, ever since, sa mga kabataan at mamamayan ng Puerto Princesa. Kinikilala namin ‘yung mga sakripisyo ninyo. Kinikilala namin ‘yung mahabang panahon na nandidiyan kayo,” mensahe ni Mayor Lucilo R. Bayron sa pagpupulong ngayong araw, Enero 15, 2026, na dinaluhan ng mga kinatawan ng mga school head at principal mula sa mga public elementary at secondary school. 

Lubos namang nagpapasalamat sa inisyatibang ito ang mga kaguruan.

"Nabigla ang Deped family, ang mga teachers, gayundin kaming mga school heads sa pasorpresang handog ng ating Pamahalaang Panlungsod sa pangunguna ni Mayor Bayron doon sa inannounce niya na allowance sa mga naka-plantilla sa mga paaralan," ani Palawan National School Principal Jabel Anthony L. Nuñala.

Para kay Mayor Bayron, ang mapagkalingang programang ito ay isang mahalagang hakbang upang lalo pang pagtibayin ang sektor ng edukasyon sa Lungsod ng Puerto Princesa. 


Source: FB Page City Information Department of Puerto Princesa