Kasunod sa agenda sa edukasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nilinaw ng Department of Education (DepEd) na ang Expanded Career Progression (ECP) System ay idinisenyo upang magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga guro na umangat sa kanilang karera nang hindi nakatali sa paghihintay ng bakanteng posisyon.
Ayon sa DepEd, tugon ang bagong sistema sa matagal nang hinaing ng mga guro sa pampublikong paaralan na ang promosyon ay nakadepende lamang sa nababakanteng ng plantilla items.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na ang reporma ay dapat makita bilang mas patas na framework ng promosyon. “Ang malinaw na mensahe ng ECP: kung handa ka, may pagkakataon kang umangat. Hindi mo kailangang maghintay na may mabakanteng posisyon bago kilalanin ang iyong husay at sipag. Teachers can progress once they meet the standards, rather than be held back by structural limits,” ani Angara.
Mas malinaw na landas, mas patas na tuntunin
Sa ilalim ng sistema, may dalawang career lines: Classroom Teaching (CT), na sumasaklaw mula Teacher I hanggang VII at Master Teacher I hanggang V; at School Administration (SA), na sumasaklaw mula School Principal I hanggang IV. Maaaring lumipat ng career line ang mga guro nang isang beses, depende sa kwalipikasyon, assessment, at staffing standards.
Ipinaliwanag ng DepEd na ang mga limitasyon sa promosyon—tulad ng patakaran na ang reclassification ay hindi lalampas ng tatlong salary grade—ay itinakda bilang safeguard upang mapanatili ang balanse at merit. Ang mga eksepsyon ay maaari lamang ipagkaloob ng Civil Service Commission (CSC) o ng Department of Budget and Management (DBM) kung may sapat na dahilan.
Ang mga guro na mag-a-apply para sa reclassification ay kailangang makakuha ng 50 puntos para sa teaching positions, habang ang mga principal ay hindi sakop ng cut-off score. Nilinaw ng DepEd na ang pagtutok sa isang target na posisyon sa bawat aplikasyon ay nakakaiwas sa sayang na oras at gastos.
Tungkol naman sa performance requirements, iginiit ng DepEd na ang pagkakaroon ng isang Satisfactory rating sa ilalim ng Philippine Professional Standards for Teachers (PPST)-based IPCRF ay hindi awtomatikong sagabal sa promosyon. Maaari pa ring ma-promote ang guro sa parehong career stage kung natugunan ang kabuuang requirements. Gayunman, para umangat sa mas mataas na career stage—tulad ng mula Proficient patungong Highly Proficient—kailangan ang Very Satisfactory o Outstanding ratings sa lahat ng 37 PPST indicators.
Dagdag pa ng DepEd, hindi na rin balakid ang waiting period dahil ang mga na-promote sa nakaraang taon ay maaari pa ring mag-apply muli sa susunod na taon sa parehong stage kung kwalipikado.
Pagtugon sa pangamba ng mga incumbent
Para sa mga school leaders, tiniyak ng DepEd na saklaw pa rin ng ECP ang mga Head Teachers, Assistant School Principals, Special School Principals, at Assistant Special School Principals. Sa susunod na tatlong taon, sila ay bibigyan ng prayoridad sa promosyon at professional development, at maaaring magpa retitle sa equivalent teaching or school principal position nang walang pagbaba sa sweldo at step increment.
Dagdag pa rito, ang mga incumbent school principals na naitalaga bago ang pagpapatupad ng mga pagsusulit gaya ng Principal’s Test, NQESH, o NASH ay hindi na kakailanganing kumuha muli ng bagong exam o magpakita ng Certificate of Rating upang makapag-apply sa mas mataas na principal positions.
Binigyang-diin ni Angara na ang ECP ay sumasalamin sa mas malawak na adyenda ng pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos. “Ito ay hindi dagdag pasanin, kundi dagdag pagkakataon. Ito ang ating paraan para maging mas patas at mas malinaw ang ating career system,” ani Angara.
Hinimok ng DepEd ang mga guro na suportahan ang reporma, dahil ang sistema ay itinayo upang kilalanin ang kahandaan, kakayahan, at propesyonal na paglago.
“The ECP honors the choices of teachers—whether to stay in the classroom or move into leadership—while ensuring every step up is grounded on merit and fairness,” ani Angara.
Source: DepEd
0 Comments