MAS MALINAW NA CAREER PATHS PARA SA ATING MGA GURO!
Sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. at sa ilalim ng Bagong Pilipinas, inilunsad ng DepEd ang Expanded Career Progression System na nagbibigay ng mas patas at malinaw na paraan para umangat sa serbisyo.
• Bagong promotion levels: TEACHER IV–VII, MASTER TEACHER V
• Dalawang career tracks: CLASSROOM TEACHING AT SCHOOL ADMINISTRATION
• Promotions na hindi na kailangang maghintay ng vacancy basta’t qualified at competent ang guro
Isang malaking hakbang para sa kapakanan at kinabukasan ng ating mga guro. Maraming salamat po sa inyong sakripisyo at serbisyo para sa bayan!
Kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month at alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang propesyon ng pagtuturo, ipinatutupad na ng Department of Education (DepEd) ang Expanded Career Progression (ECP) System upang magbigay sa mga guro ng mas malinaw, makatarungan, at nakabatay sa competency-based pathways para sa kanilang propesyon.
Sa DepEd Order No. 024, s. 2025, inilunsad ang mga karagdagang posisyon para sa pagtuturo—mula Teacher IV hanggang Teacher VII at Master Teacher V—at ipinakilala ang dalawang career tracks: Classroom Teaching at School Administration. Itinatakda rin ng sistema ang proseso ng reclassification para sa promosyon, kung saan maaaring umangat ang guro kapag natugunan nila ang pamantayan at naipakita ang kinakailangang kakayahan, nang hindi na kailangang maghintay ng vacancy.
“Ang Expanded Career Progression System ay handog ng pamahalaan upang suklian ang kanilang sipag at sakripisyo sa pamamagitan ng mas malinaw na landas para sa kanilang career sa pagtuturo,” pahayag ni Education Secretary Sonny Angara.
Ipinaliwanag pa ni Angara na tinutugunan ng ECP ang matagal nang suliranin sa dating sistema ng promosyon. Sa bagong mekanismo ng reclassification, hindi na kailangang makipagsabayan ng mga guro sa iisang bakanteng posisyon.
“Matagal nang hinaing ng ating mga guro ang limitadong pagkakataon para umangat. Ngayon, hindi na kailangang maghintay ng bakanteng posisyon. Kapag natugunan ang pamantayan at naipakita ang husay, maaari nang umusad sa karera,” dagdag niya.
Nakaangkla ang sistema sa Philippine Professional Standards for Teachers (PPST) at Philippine Professional Standards for School Heads (PPSSH) upang matiyak na nakabatay ang promosyon sa kalidad ng pagtuturo at kakayahan sa pamumuno, at hindi lamang sa mga papeles o kwalipikasyon.
“Layunin nating panatilihin ang pinakamagagaling na guro sa loob ng silid-aralan. Kapag mataas ang morale at motibasyon ng guro, mas mataas din ang kalidad ng edukasyon para sa mga kabataan,” ani Angara.
Isasagawa ang tatlong taong transition period mula 25 Pebrero 2025 hanggang 24 Pebrero 2028. Sa loob ng panahong ito, ang mga bakanteng Head Teacher at Assistant Principal na posisyon ay iko-convert bilang Teacher I items makalipas ang 90 araw mula sa pagpapatupad ng Order. Samantala, ang mga bakanteng Teacher I-III at Master Teacher I-IV ay pupunan sa loob ng isang taon mula sa pagsisimula ng IRR (25 Pebrero 2025).
Sa panahon ng transisyon, may opsyon ang mga incumbent na Head Teacher at Assistant School Principal na panatilihin ang kanilang kasalukuyang titulo o magpatitulo sa katumbas na posisyon, nang hindi mababawasan ang kanilang sahod at mga benepisyo. Sila rin ay kikilalaning “on-stream candidates” para sa promosyon bilang School Principal, nang hindi na kinakailangang dumaan muna sa Master Teacher I level, sa pamamagitan man ng reclassification o aplikasyon sa natural vacancy.
Kasabay ng pagpapatupad ng ECP, pinalalakas din ng DepEd ang mga programang pangkaunlaran ng guro sa pamamagitan ng National Educators Academy of the Philippines (NEAP), na bibigyang-prayoridad ang pagsasanay para sa mga guro, head teacher, at assistant principal na naghahanda para sa mga tungkulin sa pamumuno. Ang mga gurong malapit nang magretiro sa loob ng limang taon ay bibigyan din ng prayoridad para sa promosyon o reclassification.
“Kaakibat ng bagong career progression, tinutukan din natin ang professional development ng guro—mula sa mas malinaw na job descriptions hanggang sa mas madaling access sa training at mentorship. Lahat ng ito ay bahagi ng mas malawak na reporma para gawing mas kaaya-aya ang propesyon sa ating kaguruan,” pagtatapos ni Angara.
SOURCE: https://www.deped.gov.ph/2025/09/11/deped-pinagtibay-ang-bagong-sistema-para-sa-promosyon-ng-guro/
0 Comments