Magkatuwang na itataguyod ng Department of Education (Deped) at Department of Transportation (DOTR) ang ipapatupad na 50 porsiyentong diskuwento sa lahat ng estudyante sa MRT at LRT, kaugnay ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara ang buong suporta at pagtulong sa DOTR upang magtagumpay ang implementasyon ng programa sa mga mag-aaral.
“Patuloy din ang pagpapaganda natin sa serbisyo ng MRT at saka LRT. Ang dating dalawampung porsyentong diskuwento sa LRT at MRT para sa PWD, sa senior, at sa estudyante, ay itinaas na natin sa limampung porsyento na diskuwento,” sabi ni Pang. Marcos sa kanyang 2025 State of the Nation Address.
Saklaw ng programa ang lahat ng mag-aaral mula kindergarten hanggang graduate school, kabilang ang Alternative Learning System (ALS) at Special Education (SPED). Ipatutupad ang diskuwento sa bawat sakay ng tren, nang walang arawan o buwanang limitasyon.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang hakbang na ito ay direktang suporta sa access at patas na oportunidad sa edukasyon.
“Kapag nakakatipid ng pamasahe ang isang pamilya, mas maraming oportunidad para magamit ito para sa mga aklat at educational tool na kailangan nila. Malaking ginhawa ito para sa ating mga estudyante,” wika ni Angara.
“Gagawin ng DepEd ang bahagi nito upang masigurong alam ng mga paaralan at magulang ang benepisyong ito. Nais naming maramdaman ng bawat mag-aaral, mula Metro Manila hanggang sa malalayong rehiyon, ang suporta ng gobyerno,” dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ng DOTr na lahat ng linya ng tren sa Metro Manila ay tumatanggap na ng 50 porsyentong diskuwento. Sa labas ng NCR, inilulunsad ang mga pilot Libreng Sakay program sa Cebu at Davao gamit ang mga modernong jeepney at bus. Mas maraming ruta ang bubuksan sa mga susunod na buwan.
“Hindi lang yung discount ang importante. Ang sabi ng Pangulo, kailangan ‘yung experience nila hindi sila pinapahirapan. Kung ikaw ay estudyante, pupunta ka sa kahit anong station, papakita mo ang iyong ID at right then and there ipiprint ang inyong student beep card,” ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon.
Para makakuha ng diskuwento, kailangang magpakita ang estudyante ng valid school ID o enrollment form. Simula Setyembre, maaaring mag-apply ang mga estudyante ng espesyal na puting Beep card sa mga estasyon ng tren, na awtomatikong mag-aapply ng diskuwento.
Sinabi ng DOTr na sinusubaybayan ang bilang ng mga estudyanteng sakay sa pamamagitan ng ticket data. Naglaan din sila ng commuter hotline (0920-964-3687) at official social media channels para sa reklamo kung sakaling hindi igalang ang diskuwento.
Magkatuwang din na gagawa ng guidelines ang DepEd at DOTr at palalakasin ang information drive tungkol sa programa.
“Isang konkretong hakbang ito upang maging mas magaan ang edukasyon para sa mga pamilyang Pilipino,” ani Angara. “Kung mas madali at mas mura ang biyahe papunta sa paaralan, mas marami ang makakapagtapos, mas marami ang magtatagumpay.”
0 Comments