Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan sa Department of Education (DepEd), makakatanggap na ng libreng pagkain araw araw ang lahat ng mag-aaral ng kindergarten sa pampublikong paaralan sa buong bansa kaugnay ng pinalawak na School-Based Feeding Program (SBFP).

Masayang ibinalita ito ni Education Secretary Sonny Angara na naglalayong sugpuin ang malnutrisyon  na tulay sa mabilis na pagkatuto ng mga mag aaral.

Ipinaliwanag ni Secretary Angara na naging posible ang malawak na feeding program na ito dahil na rin sa malakas na suporta mismo ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Sa paglalaan ng rekord na ₱11.77 bilyon para sa taong 2025 at mungkahing ₱14 bilyon para sa 2026, malinaw na ipinapakita ng administrasyong Marcos ang matibay nitong paninindigan sa paglaban sa malnutrisyon sa kabataan at mas malawak na pambansang estratehiya para sa human development.

“Kapag may sapat na nutrisyon ang mga bata, mas madali silang matuto. Hindi natin kailangan hintayin pang magutom o magkasakit sila bago kumilos,” ani Education Secretary Sonny Angara. “With the strong support of the President, we are investing not only in education, but in lifelong health, productivity, and equity.”

Isasagawa ang programa sa loob ng 120 araw ng pasukan at ngayon ay saklaw na ang lahat ng batang Kindergarten—hindi na lamang ang mga kulang sa timbang—bilang bahagi ng paglipat patungo sa unibersal na nutrisyon sa maagang yugto ng edukasyon. Sa unang pagkakataon, magbibigay ang DepEd ng hot meals at fortified food products sa humigit-kumulang 3.4 milyong Kindergarten learners at mga severely wasted at wasted sa Baitang 1 hanggang 6.

Ang pagbabagong ito ay bunga ng malinaw na resulta mula noong nakaraang taon kung saan higit sa kalahati ang ibinaba ng bilang ng Kindergarten learners na severely wasted—mula 113,451 pababa sa 47,281. Nakapagtala rin ng pagbuti sa enerhiya ng mga bata, pakikilahok sa klase, pagdagdag ng timbang, at pangkalahatang kalusugan. Iniulat ng mga guro at punong-guro sa buong bansa na mas alerto, mas masigla, at mas handang matuto ang mga batang kabilang sa programa.

Sa Rehiyon II (Cagayan Valley) at Rehiyon XI (Davao), bumaba ng halos 80% ang bilang ng Kindergarten learners na severely undernourished matapos ang feeding program.

Umusbong din ang mga estruktura ng SBFP upang suportahan ang paglaki ng programa. Mahigit 74 na central kitchens na ang gumagana, na tumutulong sa mabilis na paghahanda at distribusyon ng pagkain sa libu-libong paaralan. Samantala, higit 44,000 paaralan ang aktibong kalahok sa Gulayan sa Paaralan Program, na nagbibigay ng sariwang gulay para dagdag pagkain at aktwal na leksyon sa nutrisyon para sa mga mag-aaral.

Kasabay nito, iginiit ng DepEd at mga katuwang nito—kabilang ang mga LGU, DOH, DSWD, at mga grupong sibiko—na ang tuloy-tuloy na epekto ng programa ay nangangailangan ng koordinadong pamumuhunan sa pagtuturo, serbisyong pangkalusugan, suporta sa mga magulang, at kahandaan ng mga bata sa paaralan.

“Sama-samang gawain ito. Gobyerno ang nangunguna, pero kailangan ang suporta ng buong komunidad,” dagdag pa ni Angara. “Bawat magulang, school officials, LGUs, at barangay health worker ay may papel para siguraduhing hindi lang basta nakakakain ang mga bata, kundi talagang nabubusog, inaalagaan, at nabibigyan ng lakas para umunlad.”

Kabilang sa mga plano para sa hinaharap ang pagpapahusay sa sangkap ng pagkain, pagpapabuti ng pagmonitor sa kalusugan ng learners, at pagpapalawak ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng home-grown school feeding models. Kasalukuyan ding pinag-aaralan ng Kagawaran ang posibilidad na palawigin ang coverage sa learners sa Baitang 1 hanggang 3, na nananatiling bulnerable sa mga pagkaantala sa pagkatuto dulot ng kakulangan sa nutrisyon.

Habang tinatahak ng administrasyong Marcos ang landas patungo sa isang mas inklusibo at matatag na kinabukasan, ang pamumuhunan sa SBFP ay malinaw na patunay na ang pinakamaliliit nating mag-aaral ay nararapat lamang sa isang malusog na simula.

SOURCE: https://www.deped.gov.ph/2025/07/21/pbbm-admin-lalong-pinalawak-ang-school-based-feeding-program-para-sa-lahat-ng-kinder-learners/