𝗢𝗣𝗜𝗦𝗬𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗛𝗔𝗬𝗔𝗚
𝗗𝗲𝗽𝗘𝗱, 𝗻𝗮𝗴𝗽𝗮𝗮𝗹𝗮𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗴𝘂𝗿𝗼 𝗮𝘁 𝗻𝗼𝗻-𝘁𝗲𝗮𝗰𝗵𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗲𝗿𝘀𝗼𝗻𝗻𝗲𝗹 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝘀𝗮𝗹𝗶 𝘀𝗮 𝗲𝗹𝗲𝗰𝘁𝗶𝗼𝗻𝗲𝗲𝗿𝗶𝗻𝗴, 𝗽𝗮𝗿𝘁𝗶𝘀𝗮𝗻 𝗽𝗼𝗹𝗶𝘁𝗶𝗰𝗮𝗹 𝗮𝗰𝘁𝗶𝘃𝗶𝘁𝗶𝗲𝘀

Mayo 2, 2022 – Habang papalapit na ang araw ng eleksiyon, mahigpit na nagbigay paalala ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa lahat ng mga opisyal, guro, at non-teaching personnel na sasali sa electioneering at pagsasagawa ng partisan political activities kaugnay sa 2022 National at Local Elections.

Mula noong nakaraang taon, patuloy na pinaaalalahanan ng DepEd ang lahat patungkol sa pagbabawal sa mga kawani at empleyado ng gobyerno sa pagsali sa anomang electioneering at political partisan activities na nakasaad sa Saligang Batas at alinsunod sa mga umiiral na mga alituntunin at regulasyon ng Civil Service Commission (CSC) at ng Commission on Elections (COMELEC

Binigyang-diin sa DepEd Order No. 48, series of 2018 (Prohibition on Electioneering and Partisan Political Activity) at sa kalakip nitong CSC Resolution ang mga listahan ng ipinagbabawal na gawain at hindi kasamang mga aktibidad. Bukod pa rito, naglabas ang Office of the Undersecretary for Field Operations ng office memorandum (OM-OURO-22-030) na may petsang Marso 11, 2022, na naka-address sa lahat ng field officials at personnel na inuulit ang mga umiiral na polisiya ng gobyerno at ng DepEd sa electioneering at partisan political activities.

Binisita ng Election Task Force (ETF) na pinangunahan ni Pangalawang Kalihim Alain Del Pascua ang lahat ng mga rehiyon at dibisyon upang magsagawa ng briefings para sa mga guro at kawani ng DepEd, at paalalahanan sila laban sa electioneering at partisan politics.

Nananawagan tayo sa ating mga kawani at opisyal ng DepEd na panindigan ang political neutrality sa serbisyo sa gobyerno at panatilihin ang propesyonalismo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin. Ang pagkabigo ng sinomang kawani o opisyal ng DepEd na sumunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon ng DepEd, COMELEC, at CSC ay sasailalim sa mga kinakailangan na aksyong administratibo alinsunod sa DepEd Order No. 49, s. 2006 (Revised Rules of Procedure of the Department of Education in Administrative Cases), Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service, at sa Omnibus Election Code.

Source: DepEd



Free to download: