Isinusulong ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na ma-repeal o mapawalang bisa ang Republic Act 10912 o ang Continuing Professional Development (CPD) Act.

Sa ilalim kasi ng naturang batas, minamandato ang lahat ng mga rehistrado at lisensyadong Filipino professional na kumuha ng dagdag na trainings at seminars bilang requirement sa pagre-renew ng kanilang mga lisensya sa Philippine Regulatory Commission (PRC).

Pero sa inihaing Senate Bill 2344 ni Dela Rosa, pinapanukalang alisin na ang requirement na ito.

Paliwanag ng senador bagamat maganda ang layunin ng batas na mapataas ang kalinangan at kwalipikasyon ng mga Pinoy professionals, marami naman sa kanila ang nahihirapan na makasunod dito.

Aniya, marami sa ating mga professional ang walang kakayahang gumastos para sa dagdag na seminars at trainings at inirereklamo rin ang dagdag na oras na kailangan sa pagdalo sa mga seminar para makakuha ng CPD units.

Isa pa sa pinuntong problema ang accessibility ng mga CPD trainings lalo na para sa mga kababayan nating nasa liblib na lugar at limitado ang access sa mga PRC-accredited institutions.

Giit ng mambabatas, ngayong nahaharap tayo sa isang global health crisis, napapanahon ang pagpapawalang bisa sa batas na ito dahil makakabawas ito sa pasanin ng ating mga professionals.



Free to download: