PBB UPDATE

(Ang RPMS ay hindi makatarungan, ang PBB ay hindi patas)

Uulitin natin na ang PBB ay benepsiyo na batay sa isang hindi makatarungang polisiya. Binibigyang katwiran nito ang lubos na pagpapahirap sa mga guro dahilan sa IPCRF/OPCRF batay sa RPMS (na ayon sa EO No. 61 ay isususpinde mula 2024). 

Patunay nito ang laging pagiging delayed ng PBB mula noong simula. Halimbawa, ang PBB 2021 ay naibigay lamang sa atin mula noong Hulyo 2023 (sa NCR lamang at mas nahuli pa sa ibang region). At ang PBB 2022 ay hindi pa rin naibigay sa atin ngayon kahit patapos na ang Hunyo 2024.

    DOWNLOAD: Basic Enrollment Form SY 2024-2025, Confirmation Slip

Patuloy naman tayong nakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno, partikular sa PBB Secretariat. Sila kasi ang nagfa-facilitate sa mga detalye ng PBB, ang DepEd ang nagsusumite ng mga rekisitos at ang DBM ang maglalabas ng pondo.

Sa huling update ng PBB Secretariat sa ating query ay ito ang maiksing sagot nila:

"For FY 2022 the review and validation are still ongoing. Rest assured that we will send the results or updates to the focal person/s once approved/signed."

Wala pang tiyak na petsa, gayunman, ito ay pagbibigay na rin ng katiyakan na inaayos na, ibig sabihin malapit nang maibigay ang ating PBB. Ngunit isa ang tiyak, nakalusot na sa unang yugto ng validation ang DepEd, ibig sabihin ay eligible na tayo. Kailangan na lamang maisumite ng lahat ng mga kailangan mula sa ating ahensya at kung naisumite na ito, diyan naman papasok ang susunod na validation ng secretariat (matatandan natin na per region naman ang validation gaya noong mga nakaraang taon).

Maaaring ito na ang huling PBB natin kung sakaling magpasya ang binuong TWG sa ilalim ng EO 61. At sana nga, alisin na ang mga pahirap na rekisitos bago magbigay ng mga insentibo, kaya kahit alisin ang PBB na ito ay ayos lang sa atin. Basta itaas ang mga benepisyo na hindi kailangang pahirapan ang mga guro at kawani kagaya ng PEI at SRI.

Hiling din natin na tuluyan nang ibasura ang RPMS at ibalik sa pinasimpleng PAST ang ating performance rating system. Hindi ba natin napapansin na mula nang gawin ang mga ganitong programa ay lalong bumagsak ang kalidad ng edukasyon? Isang dahilan ay ang lubhang pagsukat ng performance ng mga guro ayon sa MOVs at kung anu-anong dokumento. Kaya ang pag-accomplish na lamang ng mga papel ang pinahalagan sa atin, hindi na ang makapagturo nang natural, nang masaya at nang may puso. #

Teachers' Dignity Coalition (TDC) and Ating Guro-TDC Partylist

SOURCE: Teachers' Dignity Coalition (TDC) and Ating Guro-TDC Partylist